Test Frontity Blog

WordPress installation for Frontity development

Hustisya sa Dengvaxia dapat unahin

By jmogol

on Mon Aug 05 2019

MARAMI ang nagpapanukala na ibalik daw ang Dengvaxia matapos ideklara ng Department of Health ang nationwide dengue alert.

Simula Enero hanggang Hulyo 15, umabot sa 116,000 ang nagka-dengue kung saan 491 ang namatay. Mas mataas ng 86 percent kumpara sa 57,564 cases noong 2018.

Sina dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin at ang Doctors for Truth and Public Welfare (DTPW) ay nanawagan na ibalik ang Dengvaxia para sugpuin ang dengue.

Ayon naman kay Presidential Spokesman Salvador Panelo bukas ang pangulo sa panukala “kung ito’y sa ikabubuti ng publiko”. Dinagdag pa ni Pa-nelo na “hindi uulitin ng Palasyo ang pagkakamali ng nakaraang administrasyon.

Pero, isang US Expert, si Dr. Scott Halstead, ay nagsabing hindi dapat payagan ng Pilipinas ang Dengvaxia hangga’t walang ginagawang pagbabago ang Sanofi sa bakuna. Si Dr. Halstead ang unang nagbabala sa Aquino administration na huwag gamitin ang Dengvaxia noong 2015 pero binalewala.

Kung susuriin, ang pinakabagong balita sa Dengvaxia ay nitong Mayo 1, nang payagan ito ng US Food and Drug Administration (USFDA) sa lahat ng batang edad 9 hanggang 16 na merong “laboratory confirmed previous dengue infection”. Ibig sabihin, mga batang dati nang nagkaroon ng dengue. A-yon din sa USFDA, hindi aprubado ang paggamit ng Dengvaxia sa mga batang hindi pa nagkaka-dengue at kailangang suriin muna sa “blood testing” kung sero-negative o sero-positive bago turukan.

Napakahalaga ng bagong resultang ito ng USFDA sa Dengvaxia. Inilantad nito ang napakala-king kapalpakan ng Aquino administration at dating Health Secretary Janette Garin sa inilunsad nilang “school based mass vaccination noong Abril 2016.

Bakit nila pinayagan maturukan ang higit 800,000 mga elementary students nang hindi man lamang tinanong kung nagkaroon na sila ng dengue o hindi pa? Nga-yong sinasabi ng USFDA na may panganib ito sa mga pasyenteng hindi pa nagkakaroon ng dengue, ilan sa 800,000 kabataan noong 2016 ang ngayo’y nasa panganib?

Ayon sa Public Attorney’s Office na nagsusulong ng kaso laban sa ilang indibidwal dahil sa Dengvaxia controversy, 142 katao na ang namatay dahil sa nasabing vaccine, 139 dito ay kabataan at tatlong adults.

Meron ding report ng 3,281 kataong naospital matapos saksakan ng Dengvaxia, 1,967 dito ay nagkaroon ng dengue.

Nagsampa ng kaso ang PAO sa DOJ laban kay Garin, DOH offiials at Sanofi Pasteur, at nitong Marso 1, may 127-pages decision ang Panel of Pro-secutors. Ayon dito, mayroong “probable cause” laban kina Garin at iba pa sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide”. Pinuna rin ang “inexcusable lack of precaution and foresight” at “undue haste” sa pagbili ng P3.2B Dengvaxia vaccine, purchase request ng Enero 2016, bilihan agad Marso 2016 o dalawang buwan..

Sa ngayon ang ilang kaso ay nasa mga korte na sa Quezon City, Caloocan City, Muntinlupa City, Laguna and Bataan. Hiniling ng PAO sa Korte Suprema na magtatag ng “special family court” upang i-consolidate o pag-isahin ang lahat ng kaso laban sa mga sangkot sa Dengvaxia case.

Sa totoo lang, maliwanag ang kwento ng bakunang Dengvaxia. Bakit ginawa itong “school based mass vaccination” nina PNoy, Garin, DOH, FDA at Sanofi, gayong may panganib pala sa mga batang di pa nagkaka-dengue? Lumilitaw tuloy na pumayag ang Aquino Administration na gawing “eksperimento” ng Dengvaxia at Sanofi-Pasteur ang ating mga walang kamalay-malay na estudyante at magulang.

At ang masakit, sinagasaan ang lahat ng patakaran ng gobyerno, magkabayaran lang ng P3.2B sa bakunang kulang pa noon ang kaalaman.